
Ang whistleblower na si Niruh Kyle Antatico ng National Irrigation Administration (NIA) ay pinatay sa Cagayan de Oro matapos maglabas ng mga exposé sa katiwalian. Binaril siya noong Oktubre 10 habang nagmamaneho malapit sa isang kampo militar.
Si Antatico, dating senior legal researcher, ay nagbitiw sa trabaho matapos mailipat sa procurement. Bago ito, naglabas siya ng liham sa kanyang mga boss na humihiling ng imbestigasyon sa isang ₱75 milyon na irrigation project sa Lanao del Sur. Ayon sa kanya, natapos na raw sa papel ang proyekto pero sa aktwal ay sira, mababaw, at hindi magamit.
Matagal nang nakakatanggap ng death threats si Antatico mula pa noong 2024 dahil sa kanyang mga post sa social media tungkol sa mga ghost projects at overpriced materials. Ayon sa kaibigan niyang si Percival Batar, kamakailan ay naging mas balisa si Antatico at nabanggit ang banta sa kanyang buhay.
Kilala si Antatico bilang isang tahimik ngunit matapang na kawani ng gobyerno na nagsiwalat ng anomalya kahit may panganib. Iniwan niya ang kanyang asawa at tatlong anak.
Mariing kinondena nina Cong. Rufus Rodriguez at Cong. Lordan Suan ang pamamaslang. Nanawagan sila sa DOJ, NBI, at PNP na hanapin at parusahan ang mga salarin. Anila, posibleng magkaroon ng congressional investigation upang masilip ang mga isyung ibinunyag ni Antatico.