Ang Land Transportation Office (LTO) ay nakapagtala ng kita na ₱25.4 bilyon mula Enero hanggang Setyembre 2025, ang pinakamataas na koleksyon sa kasaysayan ng ahensya. Ito ay sa pamumuno ni Atty. Vigor Mendoza II, na ngayon ay inilipat upang pamunuan ang LTFRB.
Bago ang kanyang paglilipat, sinabi ni Mendoza na ang tagumpay na ito ay bunga ng mga reporma na nag-streamline ng operasyon, pumigil sa revenue leakage, at nag-modernize ng collection system.
Batay sa opisyal na datos hanggang Setyembre 30, nakalikom na ang LTO ng ₱25,469,343,321.16, o katumbas ng 75% ng taunang target na ₱34 bilyon. Lumampas din ang LTO Central Office sa kanilang target na ₱906 milyon, matapos makalikom ng ₱1.4 bilyon.
Ayon kay Mendoza, marami pang regional offices ang malapit na sa kani-kanilang target, karamihan ay kulang na lang ng 30% pababa. Kumpiyansa siya na maaabot o mahihigitan pa ng LTO ang kabuuang target bago matapos ang taon.
“Hindi pa tapos ang laban, kailangan pa nating makalikom ng ₱8 bilyon. Pero sa inyong dedikasyon at pagtutulungan, maaabot natin ito,” pahayag ni Mendoza bago ang kanyang paglilipat sa LTFRB.