Ang isang electric vehicle (EV) na may green plate ay nahuli ng NCAP dahil sa number coding, kahit na exempted ang mga EV dito. Ang insidente ay nagdulot ng usapan online tungkol sa tiwala sa sistema.
Ayon sa nagmamay-ari, agad nilang kinontest ang violation. Nakita sa kuha ng NCAP camera sa Mandaluyong na ang violation ay “Driving in ignorance of traffic restriction on plate number” na may Violation Code: 1116.
Maraming netizen ang nag-react at nagsabing dapat may database ang NCAP para madaling malaman kung ang sasakyan ay hybrid o electric. Dagdag pa nila, malaking abala ang pag-contest dahil sayang ang oras at trabaho, at kung minsan wala ring kaparusahan sa maling huli.
Sa Pilipinas, ang mga electric at hybrid vehicles ay hindi sakop ng number coding scheme. Mayroon din silang espesyal na plaka na kulay berde para madali silang makilala kumpara sa gas o diesel na sasakyan.
Ang NCAP ay sistemang gamit ng MMDA kung saan mga motorista ay nahuhuli sa pamamagitan ng CCTV cameras. Layunin nito ang disiplina sa kalsada at iwasan ang lagay o extortion. Ngunit dahil sa insidenteng ito, mas dumami ang tanong ng publiko kung maaasahan nga ba ang sistema.