
Ang senadora na si Imee Marcos ay umalis sa Senate group chat matapos siyang tawagin ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson. Pinayuhan siya ni Lacson na dumalo sa mga hearing at basahin ang mga update tungkol sa umano’y anomalya sa flood control projects.
"Bakit? Ano ba ang laman ng group chat? ng session? ng hearing? Hindi ba’t panggigipit lang sa kapwa senador? Samantalang sa Kongreso ay si Zaldy Co lang," post ni Marcos sa Facebook noong Oktubre 2.
Naglabas siya ng screenshots na patunay na iniwan na niya ang group chat. Dagdag pa niya, "Noon, kapag may sakuna, nagtutulungan ang mga senador. Ngayon, puro siraan na mas malala pa sa lindol. Ayoko d’yan, gusto ko ay magtrabaho."
Binanggit din ni Marcos ang ilan sa kanyang nagawa, tulad ng pag-akda ng tatlong batas. "Yan ay habang busy kayo sa pang-aapi. Tigilan nyo ang pagmamagaling at pang-aaway," dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ni Lacson na dadalo sina Zaldy Co at Martin Romualdez sa susunod na hearing. Panawagan niya kay Marcos: "Mag-attend siya ng hearing at makinig sa session para hindi siya malito. Magbasa rin siya ng mga update sa all-senators chat group."