
Ang pangalan ko ay Jen, 25 years old. May partner ako ngayon na si Alfie, 24 years old. Magkasama na kami sa iisang bahay ng 4 na buwan at buntis ako ngayon. Akala ko magiging masaya at tahimik ang pagsasama namin, pero may nalaman ako na hanggang ngayon ay hindi ko matanggap at sobra akong naaapektuhan.
Bago pa man kami naging magkarelasyon, nagkaroon pala siya ng fubu. Kung ibang babae lang sana, baka hindi ako ganoon masaktan. Pero nang malaman ko kung sino ang naging fubu niya, doon ako tuluyang nawalan ng tiwala. Dahil ang naging fubu niya ay pinsan niya mismo sa side ng tatay niya. Para sa akin, sobrang mali at nakakabastos iyon. Kahit pa matagal na nangyari, ang hirap alisin sa isip ko na kaya niyang gawin iyon sa sariling kadugo.
Simula nang malaman ko, halos wala na akong peace of mind. Lagi akong nagiisip kung nasaan siya, lalo na kapag umaalis siya ng bahay o hindi agad nagrereply. Napapraning ako na baka may ginagawa siyang hindi ko alam. Madalas na tuloy ang away namin, kasi hindi ko na siya mapagkatiwalaan katulad dati. Sa isip-isip ko, kung nagawa niyang galawin ang pinsan niya, paano ko pa siya pagkakatiwalaan kapag kasama niya ang ibang babae?
Umabot na sa punto na gusto ko na talagang sumuko. Minsan naiisip ko na sabihin na lang sa magulang niya na gusto ko nang makipaghiwalay, kasi hindi ko na kaya ang sitwasyon. Sinasabi naman niya na nagsisisi siya, na nagbago na siya, at hindi na raw niya uulitin ang mga maling ginawa niya. Pero para sa akin, parang salita lang iyon. Mas lalo akong nasasaktan kasi hanggang ngayon ay may communication pa rin sila ng pinsan niya, at ayaw niyang i-block o iwasan ito.
Buntis ako ngayon, kaya mas lalo akong nai-stress. Ang hirap kasi ng sitwasyon. Ayoko na sanang isipin, pero palagi akong overthinking. Iniisip ko na baka nagkikita pa rin sila kapag hindi kami magkasundo o kapag may alis siya. Kahit anong gawin ko, nawawala ang kapayapaan ko at lagi akong kinakain ng duda at takot.
Hindi ko alam kung paano pa ako makakabangon mula dito. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ipaglaban ang relasyon namin dahil sa bata, o kung mas mabuti nang piliin ko ang sarili kong katahimikan at kaligtasan sa loob. Mahal ko siya, pero ang tiwala ko ay parang tuluyan nang nawala.
Kaya eto ako ngayon, nagco-confess. Gusto ko lang mailabas yung bigat sa dibdib ko. Hindi ko alam kung ano ang tamang gawin—kung ipagpapatuloy ko pa ito, o kung mas mabuting lumayo na lang habang maaga pa.