Ang BYD Tang DM-i ay ginawa para maging mas abot-kayang flagship SUV. May presyo itong ₱2,098,000, mas mura kumpara sa ibang mid-size SUVs na kadalasan ay lampas ₱2.5M. May plug-in hybrid powertrain ito, kaya tipid sa konsumo at may mahigit 1,100 km na combined range.
Sa design, kapansin-pansin ang malaking grille na may dragon-scale style, pero hindi kasing “head-turner” ng EV model. Sa loob naman, premium pa rin ang dating dahil sa malinis na interior at bucket-style seats. Ang two-spoke steering wheel at malaking touchscreen (na hindi na umiikot) ay dagdag na modernong features.
Pagdating sa ride comfort, maganda ang takbo ng Tang DM-i. Magaan ang manibela, stable sa kalsada, at cushy sa lubak—halos kasing lambot ng mga kilalang SUVs. Ang electric motor na may 271 hp at 315 Nm torque ang nagbibigay ng hatak, habang seamless ang lipat mula EV mode papuntang hybrid.
Pero dito rin lumabas ang mga kakulangan. Mahina ang aircon vents sa second row, manipis ang sunroof cover, at sa third row, siksikan at walang sariling bentilasyon. Sa tirik na araw, mainit at hindi komportable ang likod, lalo na kung bata o nakatatanda ang uupo.
Kung executive car o family SUV ang hanap, baka bitin sa comfort ang Tang DM-i. Pero para sa mag-asawa o small family na gusto ng matipid at abot-kayang 7-seater hybrid, swak ito. Maganda ang performance at efficiency, pero sana sa susunod ay mas bigyang-pansin ang passenger comfort.