
Ang 6 estudyante ay nasugatan matapos mabagsakan ng bubong ng stage sa Peñaranda Park, Legazpi City bandang alas-6 ng gabi, Agosto 30. Nagkataon na malakas ang ulan habang nag-eensayo ang halos 40 estudyante mula sa Bicol College.
Ayon kay P/Lt. Col. Domingo Tapel Jr., hepe ng Legazpi City Police, “Dahil sa lakas ng ulan mula pa alas-4 ng hapon, napuno ng tubig ang bubong at bumigay. Kaya bumagsak ang canopy sa mga estudyante.”
Ligtas naman ang karamihan ngunit may isang estudyante na nagrereklamo pa ng matinding sakit ng ulo. Kinuha ng mga magulang ang gamit ng kanilang mga anak dahil traumatized pa raw ang mga ito sa pangyayari.
Patuloy ang imbestigasyon tungkol sa insidente. Ang stage ay bago pa lamang naipatayo kasabay ng pagsasaayos ng buong liwasan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱5 milyon.