Ang bagong album ni Sabrina Carpenter na ‘Man’s Best Friend’ ay opisyal nang lumabas at mapapakinggan online. Kasabay nito, inilunsad din ang music video ng kanyang kanta na “Tears.”
Ang album ay may 12 tracks na pinaghalo ang ‘70s disco vibe at country-pop sound, kasama ang pirma niyang nakakatawang lyrics at emosyonal na kwento. Matapos ang matagumpay niyang album na Short n’ Sweet noong nakaraang taon, ipinapakita ni Sabrina na kaya niyang pagsamahin ang saya at lungkot sa bagong proyekto.
Kabilang sa mga kantang agad nagmarka ay ang “Manchild,” na unang inilabas noong Hunyo. Sa music video nito, makikita si Sabrina bilang isang malakas na drifter na naglalakbay sa disyerto—sumasalamin sa kanyang witty pero totoo ring storytelling. May mga awitin ding puno ng emosyon gaya ng “Tears” at “Goodbye,” habang kakaiba ang timpla ng “My Man on Willpower,” na hinaluan ng country at disco sound.
Kasabay ng album, inilabas din ang music video ng “Tears” kung saan makakasama si Colman Domingo. Ang video ay puno ng glam at kakaibang estilo na parang inspired sa Rocky Horror Picture Show.