Ang isang delivery rider sa Quezon City ay arestado matapos umanong gamitin sa sabong ang mahigit ₱326,000 na pera na dapat sana ay ire-remit niya sa kanyang manager.
Ayon sa La Loma Police Station, August 13, lumapit ang lalaki sa istasyon at nag-report na siya ay naholdap. Sinabi niya na tinukan siya ng baril at kinuha ang pera. Ngunit nang i-check ng mga pulis ang CCTV, walang nakitang insidente ng holdap.
Nang muling tanungin, umamin ang rider na hindi totoong naholdap at ginamit niya sa online sabong ang pera. Dahil dito, kinasuhan siya ng qualified theft. May narekober na alahas at halos ₱11,000 na cash mula sa kanya.
Lumabas din sa imbestigasyon na halos dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa jewelry shop. Nang tanungin tungkol sa kaso, sagot ng suspek ay “no comment.”
Paalala ng PNP, hindi na bago ang modus na ito na tinatawag na “hold up me,” kung saan ang tao ay nagpapanggap na naholdap para maitago ang pera na ginamit sa bisyo.