Ang LEGO Batman: Legacy of the Dark Knight ay opisyal nang inanunsyo at ilalabas sa 2026 para sa PlayStation 5, Xbox Series X|S, Nintendo Switch 2, at PC. Dadalhin nito ang 86 taon ng kasaysayan ni Batman mula sa comics, TV, pelikula, at games, pero syempre may halong LEGO humor.
Magsisimula ang kwento sa batang Bruce Wayne habang nag-eensayo sa League of Shadows. Kasama sa adventure ang kanyang mga kakampi tulad nina Robin, Batgirl, Nightwing, Catwoman, at Jim Gordon. Makakalaban naman ang mga kilalang kontrabida gaya nina Joker, Penguin, Poison Ivy, Bane, at Ra’s al Ghul.
Magdadala rin ito ng bagong combat system na may combos, takedowns at gamit ng gadgets. Ang buong Gotham City ay magiging open-world playground kung saan puwedeng mag-grapple, mag-glide, at mag-drive sa mga kilalang lugar ng siyudad.
May co-op play para sa dalawang manlalaro at isang customizable Batcave kung saan puwedeng i-display ang mga vehicles, trophies, at unlockable suits tulad ng Golden Age Batsuit mula 1939.
Nagsimula na ang wishlist para sa game na ito na inaasahang magiging hit sa 2026. Tinatayang presyo ay nasa humigit-kumulang ₱3,500 hanggang ₱4,000.