
Ang isang pusa na tinamaan ng marble gun sa Brgy. Sinuda, Kitaotao, Bukidnon, ay nasagip matapos manatili ang marble sa kanyang mukha ng halos dalawang linggo. Akala ng may-ari na simpleng sugat lang ito sa una, pero lumala ang kondisyon ng pusa na si Panther, tatlong taong gulang.
Napansin ng pamilya na palagi itong bumabahing, hirap huminga, at nanghihina. Nang tingnan ng kapatid ng may-ari ang sugat, may nakita siyang makintab na bagay na nakabara doon — isang marble. Kaya agad nila itong dinala sa Davao para sa agarang lunas.
Sa ospital, nalaman ng beterinaryo na may fracture o bali sa bungo si Panther, at mahirap tanggalin ang marble dahil malapit ito sa utak, ilong, at mata. Sa kabila nito, nagawa pa rin nitong tanggalin ang marble, at ngayon ay unti-unti nang gumagaling si Panther. Plano ng may-ari na magsampa ng kaso laban sa dalawang may-ari ng marble gun sa kanilang lugar dahil sa animal cruelty.