
Ang insidente ng pamamaril ay naganap sa Baseco Compound, Port Area, Manila, bandang ala-una y medya ng madaling araw nitong Martes, Agosto 5. Patay ang 51-anyos na lalaki matapos tamaan ng bala sa likod at pisngi.
Ayon sa hepe ng pulisya, may lumabas sa imbestigasyon na dati nang may alitan ang biktima at ang mga suspek. Napag-alamang sinaway ng biktima ang isa sa kanila ilang araw bago ang insidente dahil nangunguha umano ito ng barya sa computer shop. May kinalaman din umano sa droga ang motibo ng pamamaril.
Dalawang anak-anakan ng biktima ang itinuturong suspek. Nakita umano ng kinakasama ng biktima ang mga ito habang tumatakas matapos ang pamamaril. Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang dalawa. Isa sa mga suspek ang umaming kasama niya ang bumaril pero itinanggi ang partisipasyon sa motibo.
Ayon sa imbestigasyon, nagpositibo sa gun powder residue ang itinuturong bumaril. Pareho silang may rekord ng pagkakakulong dahil sa ilegal na sugal. Mahaharap ang mga suspek sa kasong murder at sasailalim sa inquest proceedings ngayong araw.