
Aaminin ko na, hindi ko ito plinano. Hindi ko rin inakala na darating ako sa ganitong sitwasyon. Noong una, akala ko magkaibigan lang talaga kami. Madalas lang kaming magkita para kumain, magkape, at magkuwentuhan. Walang malisya, walang halong kilig… o ‘yun ang akala ko.
Wala rin akong alam sa personal niyang buhay. Hindi ko tinanong, at hindi niya rin binanggit. Noon, may kausap pa akong iba at siya talaga ang gusto ko kahit LDR kami. Pero habang lumilipas ang panahon, napapadalas ang paglabas namin ni “kaibigan.” Doon ko na naramdaman na unti-unti akong nahuhulog. Hindi ko namalayan, pero palagi ko na siyang iniisip.
Dumating ang araw na siya mismo ang umamin. Sinabi niya sa akin na gusto niya ako. At doon ko lang narealize na matagal ko na rin siyang gusto. Masaya ako noon, aaminin ko. Feeling ko, mutual na kami. Pero isang linggo matapos noon, nasabi ko ito sa bestfriend ko.
Hindi ko alam na doon magsisimula ang masakit na parte ng kwento. Dahil curious siya, nag-stalk siya sa social media. At doon namin nalaman—kasal na pala siya at may anak. Para akong binagsakan ng langit at lupa. Hindi ko siya kinompronta agad. Pinakalma ko muna sarili ko. Pero noong nagkita kami, tinanong ko siya nang diretsahan: “May dapat ba akong malaman?”
Una, halatang ayaw niya magsalita. Pero kalaunan, umamin din siya. Pinakita pa niya ang singsing na suot niya noon pa, na akala ko dati ay accessory lang. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Galit? Sakit? Pareho. Pero alam mo yung pakiramdam na mahal mo na siya? Hindi ko alam kung paano kakalas.
Sinubukan kong layuan siya. Sinabi ko sa sarili ko na dapat tapusin ko na ito. Pero sinabi niya na maghihiwalay na rin daw sila ng asawa niya. Sinabi niya na hindi na sila okay, matagal na silang may problema, at ako na lang ang nagpapasaya sa kanya. At tanga ako, naniwala ako.
Pinagbigyan ko siya. Tinanggap ko siya kahit alam kong mali. Itinago namin ang relasyon namin. Wala nakakaalam. Siya, consistent. Hindi ko maikakaila—napasaya niya ako. Puno ako ng mga words of affirmation, ng effort, ng time na kaya lang niyang ibigay. Hindi ako sanay sa ganoong pag-aalaga kaya ang dali kong nahulog nang tuluyan.
Pero habang tumatagal, nagbago lahat. Nasanay ako na hindi ko siya puwedeng i-chat anytime. Nasanay ako na hindi ako makapag-reklamo kahit gusto ko siyang makasama. Kasi alam kong may asawa siya. At kahit anong paliwanag niya, alam kong may batang nadadamay dito. Doon ko naisip: mali kami. Mali ako.
Kinausap ko siya. Sinabi ko na dapat na itong matapos. Sinabi ko na ayusin niya ang pamilya niya. Kasi hindi sila ang talo dito, kundi ang anak nila. Pero sagot niya sa akin, “Ayoko. Hindi ko kayang mawala ka. Ikaw na ang mahal ko at handa akong panindigan ka.”
Ang hirap pakinggan kasi mahal ko rin siya. Mahal na mahal. Pero naisip ko: kung talagang mahal ko siya, dapat alam kong hindi ito tama. Hindi dapat may masaktan na bata para lang sumaya kami. Kaya pinili kong dahan-dahang lumayo. Hindi ko na siya madalas sagutin. Hindi ko na siya kinikitang muli. Mabagal na akong mag-reply hanggang sa halos wala na.
Ngayon, buo ang desisyon ko—iiwan ko siya ng tuluyan. Hindi dahil hindi ko siya mahal, kundi dahil mali kami. Dahil kahit anong pilit, walang magandang pupuntahan ang maling simula.