Ang dating NBA player na si Marcus Morris ay inaresto dahil sa kasong fraud matapos umanong magbigay ng mga talbog na tseke na nagkakahalaga ng $265,000 sa mga casino sa Las Vegas, ayon sa mga ulat.
Ayon sa KLAS TV at TMZ, nakakuha si Morris ng $150,000 mula sa Wynn Hotel and Casino noong Hunyo 2024 at nagsulat din ng mga tseke na nagkakahalaga ng $115,000 para sa MGM Grand noong Mayo ng nakaraang taon.
Naaresto si Morris noong Linggo sa isang paliparan sa Florida dahil sa warrant mula sa Nevada at inaasahang dadalhin sa Las Vegas. Nahaharap siya sa kasong drawing and passing a check without sufficient funds na may intensyon na manloko ng higit $1,200 at theft na higit sa $100,000.
Bagaman hindi siya naglaro noong nakaraang season, naglaro si Morris ng 13 seasons sa NBA mula 2011 hanggang 2024 para sa iba’t ibang koponan tulad ng Houston, Phoenix, Detroit, Boston, New York, LA Clippers, Philadelphia, at Cleveland. Mayroon siyang career average na 12 puntos, 4.4 rebounds, at 1.5 assists bawat laro.
Nagbigay ng pahayag ang kanyang kapatid na si Markieff Morris at ang kanyang ahente na si Yony Noy, na tinawag ang sitwasyon bilang “absolute insanity,” at ipinaliwanag na ito ay tungkol lamang sa outstanding marker sa casino at hindi isang kaso ng fraud.