
Ang mahigit P1-milyong halaga ng shabu ay nakumpiska mula sa isang mag-asawa at isa pang lalaki sa isang buy-bust operation sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City nitong Martes ng gabi.
Ayon sa Marikina Police, tatlong linggo nilang minanmanan ang tatlong suspek. Kasama rito ang mag-asawang edad 45 at 42, kung saan isa ay tinuturing na High Value Individual, at isang lalaki na 32 anyos, na nasa Street Level Individual list.
Nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng P1,000 halaga ng droga sa isang poseur buyer. Sa operasyon, narekober ang 10 sachet ng shabu na may 150 gramo at tinatayang halaga na P1,020,000.
Itinanggi ng mga suspek na sila ay nagbebenta ng droga. Ayon sa kanila, nagkaroon lang umano ng pagtatalo. Ngunit inamin nilang dati silang gumagamit ng shabu. “Magaan lang sa pakiramdam,” ayon sa isa sa mga suspek.
Sa ngayon, nakakulong na ang tatlo sa Marikina Police custodial facility at haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.