
Ang Boy Scouts mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ay nagtipon ngayong Lunes, Hulyo 28, sa Manila North Cemetery para sa pagdiriwang ng 62nd Scout Memorial Day. Layunin ng seremonya na alalahanin ang 24 kabataang scout na nasawi sa isang plane crash noong 1963 habang papunta sa 11th World Jamboree sa Greece.
Ayon kay Kim Robert de Leon, secretary general ng Boy Scouts of the Philippines, “Dahil sa malungkot na pangyayaring iyon, 62 taon na ang lumipas pero nandito pa rin tayo para parangalan at alalahanin ang kanilang buhay.”
Hindi lang sa seremonya ginugunita ang mga batang scout. May mga kalsada sa Quezon City na ipinangalan sa kanila. Mayroon ding Boy Scouts’ Circle na nagsisilbing alaala sa kanilang sakripisyo at minsan ding nagiging lugar ng mga pagtitipon.
Sa talumpati ni Atty. Emilio Aquino, national president ng Boy Scouts, binigyang-diin niya na ang 24 scout ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa bagong henerasyon. Bahagi ng programa ang panalangin at wreath-laying ceremony bilang pagpupugay.
Pinangunahan ng 11th World Jamboree Memorial Foundation, sa pamumuno ni Arthur Tuason, ang pagdiriwang. “Para sa kanila, ipinagdarasal natin ang pagpapala ng Diyos, alam nating ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya,” ani Tuason.