
Ang US President Donald Trump ay pumayag na bawasan ng kaunti ang ipapataw na taripa sa Pilipinas, matapos ang pulong kay President Ferdinand Marcos Jr. sa White House nitong Hulyo 22, 2025. Ayon kay Trump, malapit nang matapos ang isang “malaking trade deal” sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kanyang post sa social media, sinabi ni Trump na papayagan ang Pilipinas na maging open market para sa mga produkto mula sa Amerika. Gayunpaman, magpapatupad pa rin siya ng 19% taripa sa mga produktong galing Pilipinas, tulad ng high-tech items at damit, na mas mataas pa sa 17% na banta noong Abril.
Kasama ang Pilipinas sa listahan ng mga bansa na pinadalhan ni Trump ng babala ng 20% taripa, na ipatutupad simula Agosto 1. Sa kabila ng lumalalim na ugnayang militar ng Pilipinas at US, nananatiling isyu ang kalakalan.
Sinabi ni Marcos na ang mga hakbang sa modernisasyon ng militar ay tugon sa mga pangyayari sa South China Sea. Dagdag pa niya, ang US ang “pinakamalakas at pinaka-maaasahang kaalyado” ng Pilipinas.
Bagamat pinuri ni Trump ang relasyon ng Pilipinas sa China, sinabi niyang "na-tilt pabalik" ang Pilipinas sa US mula sa dating paglapit nito sa Beijing. Ipinagmalaki niyang siya ang dahilan sa pagbabagong ito, kahit nagsimula na ito noong manalo si Marcos noong 2022, bago siya bumalik sa kapangyarihan.