Ang isang fighter jet ng Bangladesh Air Force ay bumagsak sa Milestone School and College sa Dhaka nitong Lunes, Hulyo 21, 2025. Sa insidente, hindi bababa sa 20 ang namatay kabilang ang piloto, at mahigit 170 ang nasugatan, karamihan ay mga batang estudyante na kagagaling lang sa klase.
Ayon sa militar, bumagsak ang F-7 BJI training jet matapos magka-aberya sa makina habang nasa routine training flight. Sinubukan ng piloto na ilayo ang eroplano mula sa mataong lugar pero bumagsak ito sa school building. Unang solo flight pa lang sana ng piloto na si Flight Lieutenant Towkir Islam.
Marami sa mga sugatan ay nasa pagitan ng 8 hanggang 14 taong gulang. Ang mga biktima ay agad dinala sa National Burn and Plastic Surgery Institute, kung saan dumagsa rin ang mga kaanak at boluntaryong donor ng dugo.
Ang pamahalaan ay nagdeklara ng national day of mourning bilang pakikiramay sa mga nawalan. Ayon kay Interim Prime Minister Muhammad Yunus, hindi matatawaran ang pagkawala ng mga magulang, estudyante, at guro.
Nagpaabot rin ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi at sinabing handa silang tumulong sa panahon ng trahedya.