
Ang HelloSafe, isang travel insurance company, ay humingi ng paumanhin matapos tawagin ang Pilipinas bilang "least safe country in the world sa 2025" base sa kanilang travel safety report.
Ayon sa pahayag ng HelloSafe sa kanilang website noong Hulyo 15, sinuspinde nila ang paglalabas ng ranking simula Hunyo 20, 2025 dahil sa malakas na reaksiyon mula sa mga Pilipino, media, at iba’t ibang institusyon.
Nangako ang kumpanya na magsasagawa sila ng kompletong pagsusuri sa ginamit nilang paraan at batayan sa paggawa ng nasabing report.
Ipinahayag din nila ang kanilang taos-pusong paghingi ng paumanhin sa “pagkalito at pagkadismaya” na naidulot nito at sa negatibong pananaw na maaaring nabuo dahil sa ulat.
Sinabi ng HelloSafe na handa silang ayusin ang pagkakamali at magbigay-linaw sa mga kinuwestiyong detalye ng kanilang pag-aaral.