Ang mas mataas na buwis sa interes ng time deposit ay ipinatupad na simula Hulyo 1, 2025. Ayon sa mga bangko tulad ng Metrobank, UnionBank, at Security Bank, lahat ng interes mula sa peso at dollar deposits, kabilang ang time deposit, ay papatawan na ng 20% final withholding tax, kahit gaano pa ito katagal naka-deposito.
Dati, may mga deposito na walang buwis, lalo na kung ito ay lampas limang taon. Halimbawa, 0% tax sa mahigit 5 taon, 5% sa 4–5 taon, at 12% sa 3–4 taon. Ngayon, flat 20% na buwis ang ipapataw sa lahat ng long-term deposits na inilagak simula Hulyo 1. Pati na rin ang foreign currency deposits, mula sa dating 15%, ay ginawang 20%.
Hindi apektado ang mga deposito na inilagay bago Hulyo 1, 2025. Mananatili ang dating buwis ng mga ito hanggang sa petsa ng maturity. Kung may valid na tax exemption mula sa BIR, hindi pa rin ito papatawan ng buwis.
Layunin ng bagong batas na Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) ay gawing mas simple, pare-pareho, at mas predictable ang sistema ng pagbubuwis sa kita ng financial investments. Ayon sa mga bangko, makikinabang ang mga investor sa repormang ito dahil tumutugma ito sa global standards.
Ang CMEPA ay isang hakbang patungo sa makabagong sistema ng buwis sa pananalapi. Mas malinaw na ngayon ang pag-compute ng buwis sa interes, at parehas ang trato sa lahat ng uri ng deposito.