Ang isang lalaki ay binawian ng buhay habang naghihintay sa pila ng ayuda sa Capitol gym sa Malolos City, Bulacan noong Hulyo 12. Ayon sa ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), kinilala ang biktima na si Wilfredo Ople Catajan Jr. mula sa Brgy. Sto. Niño, Hagonoy.
Habang isinasagawa ang Emergency Cash Transfer (ECT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bandang 10:40 ng umaga, inireklamo ni Catajan ang pananakit ng dibdib habang nakaupo. Dahil dito, agad siyang isinugod ng mga responders sa Bulacan Medical Center.
Sinubukan siyang sagipin sa ospital gamit ang CPR, suction, intubation, ECG, at iba pang mga pagsusuri, ngunit 11:05 ng umaga ay idineklara siyang patay ng mga doktor. Ayon sa mga opisyal, may dati na siyang problema sa kalusugan at ang sanhi ng pagkamatay ay acute coronary syndrome.
Araw ng ayuda ay dinaragsa ng mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan. Mahigit ₱5,000 ang ayuda kada tao, kaya hindi maiiwasan ang siksikan at matagal na paghihintay sa pila.
Nagpahayag ng pakikiramay si Governor Daniel Fernando sa pamilya ng biktima at nagpaalala sa mga mamamayan na laging maging maingat lalo na sa mga matataong lugar tulad ng pamimigay ng ayuda.