
Ang bagong minimum wage rate sa Metro Manila ay magsisimula na sa Hulyo 18 (Biyernes), ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Nagpaalala ang ahensya sa mga employer na ayusin ang wage distortion o hindi pagkakatugma ng sahod para mapanatili ang maayos na ugnayan sa mga manggagawa.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, mahalaga ang pag-aayos ng sahod upang maiwasan ang demoralization o panghihina ng loob ng mga manggagawang mas matagal na sa trabaho pero nauungusan ng bagong pasok dahil sa minimum wage increase.
Maaari namang humingi ng tulong ang mga kumpanya sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards kung kailangan nila ng gabay sa pag-aayos ng wage distortion. Pero ayon kay Laguesma, mas mainam kung kusa itong gawin ng mga kumpanya.
Epektibo sa Biyernes, ang bagong minimum wage para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector ay magiging P695 kada araw mula sa dating P645. Samantala, ang mga nasa agriculture sector at maliliit na retail at service establishments (na may 15 empleyado pababa) ay tatanggap na ng P658 kada araw mula sa dating P608.
Ang dagdag sahod ay bahagi ng layunin ng gobyerno na itaas ang kalidad ng buhay ng mga manggagawa sa Metro Manila.