Ang dashcam sa sasakyan ni Raymond Cabrera ang naging susi sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pagpatay sa kanya. Si Cabrera, isang TNVS driver, ay huling nakitang buhay matapos magsakay ng tatlong pasahero mula Parañaque patungong Molino, Cavite.
Ayon kay NBI agent Joseph Martinez, narinig sa audio recording ng dashcam ang panawagan ni Cabrera habang pinagtutulungan siya ng mga sakay sa loob ng sasakyan. Nakita rin sa video ang mga ruta na tinahak ng kotse bago ito matagpuang iniwan at puno ng dugo sa Malanday, Valenzuela noong May 18.
Gamit ang CCTV footage at dashcam clips, natukoy ang tatlong suspek. Nakita pa ang dalawa sa kanila na bumaba sa isang convenience store, sumakay ng pedicab at kalauna’y lumipat sa isa pang sasakyan.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng motibo ng krimen ang panghoholdap at pagnanakaw ng sasakyan. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang bangkay ni Cabrera.
Sinampahan na ng kasong murder ang tatlong suspek, at sinimulan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang paunang imbestigasyon kaugnay sa insidente.