Ang mga pamilya ng 4Ps sa Bataraza at Brooke’s Point, Palawan ay nakatanggap ng libreng smartphones sa ilalim ng proyekto ng DSWD, Globe, GCash, at Ayala Foundation. Sa pamamagitan ng Pre-loved Phone Donation Drive, 256 na pamilya ang nabigyan ng ayus na smartphones, karamihan sa kanila ay ngayon lang nakagamit ng ganitong teknolohiya.
Ang libreng cellphone ay hindi lang simpleng gamit pang-text o tawag. Nagbibigay ito ng mas ligtas at mabilis na paraan para makuha ang kanilang cash grants gamit ang GCash. Bukod dito, mas napapalapit sa kanila ang online learning, digital na negosyo, at komunikasyon sa pamilya. Ayon kay Carl Cruz, CEO ng Globe, ang proyekto ay para sa pagkakapantay-pantay at pagkakaroon ng mas maraming oportunidad sa buhay.
Sa tulong ng mga volunteer mula sa Globe, GCash, at Ayala Foundation, tinuruan ang mga benepisyaryo kung paano gamitin ang phone, mag-SIM registration, at gumawa ng GCash account. Nagturo rin ang BPI Foundation ng financial literacy para matutong mag-manage ng pondo ang mga pamilya.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mas napapadali na ngayon ang serbisyo ng gobyerno. Hindi na kailangang maglakad nang malayo para lang makuha ang ayuda. Ito ay malaking ginhawa lalo na sa mga liblib at malalayong lugar sa Palawan.
Sinabi rin ng GCash na layunin nilang isama ang lahat sa digital economy at siguruhing walang mapag-iiwanan. Sa smartphone at GCash, mas mabilis at maayos nilang natatanggap ang tulong at nagagamit sa pang-araw-araw na pangangailangan.