
Ako si Miña, 34 taong gulang, at may asawa nang mahigit walong taon. Mabait naman ang mister ko, masipag, responsable, at maalaga sa pamilya—ngunit may ugali siyang matagal ko nang kinikimkim sa dibdib ko.
Mahilig siyang magpatawa. At hindi ito 'yung nakakatuwang pagpapatawa na kayang magpasaya ng mga tao sa paligid. Kundi 'yung klase ng biro na walang pinipiling lugar, oras, o tao—kahit estranghero. Biro na para sa kanya ay simpleng katuwaan, pero para sa ibang tao, kabastusan.
Hindi ko mabilang kung ilang beses na niya akong napahiya sa publiko. Isang beses, sumakay kami ng elevator at may kasabay kaming lalaking kalbo. Imbes na manahimik, bigla niyang sinabi, “Brad, akala ko si Bembol Roco ka!” habang nakangisi.
Tumawa siya sa sarili niyang joke. Pero 'yung lalaki? Nilingon lang kami, walang emosyon. Hindi ko alam kung napikon siya o nagtimpi lang. Ako? Gusto kong lamunin ako ng elevator floor sa hiya.
Hindi pa doon natapos.
Sa fast food naman, habang nakapila kami para umorder, may isa na namang lalaking kalbo sa harapan namin. Katulad ng dati, hindi na naman nakapagpigil ang asawa ko. Nagbitaw na naman siya ng biro. Ang resulta? Nilapitan siya ng lalaki, galit na galit, at sinabihan ng, “___ina mo, kilala ba kita?!”
Nagulat ang mga tao. Lumingon sa amin ang buong pila. Ako? Gusto ko nang umuwi at hindi na magpakita kahit kailan.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko siyang sinabihan na tigilan na ang pagbibiro sa hindi kilala. Paulit-ulit ko siyang pinagsasabihan. Pinakiusapan ko siya bilang asawa, bilang kaibigan, bilang partner sa buhay. Pero tila hindi tumatalab.
Ang pinakamasakit? Hindi siya natatakot. Parang sa isip niya, hindi naman siya nananakit, kaya wala siyang ginagawang masama. Pero paano kung minsan, mambiro siya ng maling tao? 'Yung may dalang patalim? O ‘yung sobrang pikon na di na marunong makinig sa paliwanag?
Nabubuhay ako araw-araw na may pangambang baka balang araw, may mangyaring hindi maganda sa kanya dahil sa kakulitan niya.
Isang gabi, hindi ko na napigilan. Napuno na ako. Umiyak ako sa harap niya, pinagsigawan ko siya, hindi ko na ininda kung nasaktan siya sa sinabi ko. Sinabi ko na, “Kapag may nangyari sa 'yo dahil sa kabastusan mong ‘yan, huwag mo akong idamay. Dahil pag inulit mo pa 'yan, lalayasan na talaga kita.”
Alam kong baka hindi ko gawin 'yon. Pero siguro kailangan niya ng matinding babala. Kailangan niyang matakot. Dahil ang totoo, natatakot na ako.
Hindi ako humihingi ng perpektong asawa. Pero sana naman, 'yung hindi ako palaging nahihiya. 'Yung marunong rumespeto sa ibang tao. 'Yung marunong gumamit ng tamang timing kung kailan pwede magpatawa.
Dahil minsan, hindi nakakatawa ang biro. Minsan, nakakahiya. At minsan, delikado.