Ang isang nursery worker sa Australia ay kinasuhan ng mahigit 70 kaso ng sekswal na pang-aabuso sa walong bata na may edad limang buwan hanggang dalawang taon. Ayon kay Victoria Police Commander Janet Stevenson, napakasakit para sa mga pamilya na marinig ang balitang ito.
Nagtatrabaho ang lalaki sa 20 nursery schools sa Melbourne mula 2017 hanggang 2025. Dahil dito, sinabi ni State Chief Health Officer Christian McGrath na kailangang magpasuri ang 1,200 bata para malaman kung na-expose sila sa infectious diseases. Hindi tinukoy ng mga awtoridad kung anong sakit ito pero pwede raw itong magamot ng antibiotics.
Ayon kay Premier Jacinta Allan, labis siyang nadismaya at nasuklam sa mga alegasyong ito. Aniya, ito ay tunay na nakakagulat at nakakalungkot, at ramdam niya ang bigat ng sitwasyon ng mga pamilya na dumadaan sa pinakamasamang bangungot ng isang magulang.