Ang isang police hepe ay nahuli ng kanyang misis sa loob ng isang hotel sa Tayabas City, Quezon, kasama ang isang babae. Ayon sa ulat, nakita ng misis, na isang guro, ang mga malalaswang larawan sa Messenger na ipinadala umano ng babae sa kanyang mister, dahilan ng kanyang matinding stress at depresyon.
Bandang alas-3:30 ng madaling araw, nagtungo sa Tayabas City Police Station ang 42-anyos na biktima para magsampa ng reklamo. Nahuli raw niya sa akto sa loob ng Roadside Hotel sa Brgy. Wakas ang kanyang 41-anyos na mister at ang kabit nito – kapwa walang saplot.
Nagkaroon umano ng komosyon sa hotel, ngunit agad nakatakas ang dalawa gamit ang kanilang sasakyan papuntang Lucena City. Hindi na niya nahabol ang magkalaguyo.
Dahil dito, nagsampa ng kaso ang misis laban sa kanyang mister sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Nagpapatuloy na ang operasyon ng pulisya sa Tayabas para mahuli ang opisyal na sangkot sa insidente.