
Ang mahigit ₱204 milyon halaga ng hinihinalang shabu ay natagpuan sa loob ng isang naiwang berdeng maleta sa tabi ng bakanteng lote sa Barangay Sabang, Naic, Cavite nitong Huwebes ng madaling araw, Hunyo 20.
Isang 26-anyos na security guard ang nagsabi sa mga pulis na may kahina-hinalang maleta sa Friendship Road bandang 2:10 AM habang siya ay umiikot sa lugar. Nang buksan ito ng pulisya, nakita nila ang 30 heat-sealed packs ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 30 kilo.
May nakita ring tatlong surveillance camera sa paligid ng maleta. Pinaniniwalaang ito ay bahagi ng isang "dead drop" na modus, kung saan ang droga ay iniiwan sa isang lugar at may ibang kukuha upang makaiwas sa aktwal na pagkakahuli.
Ayon kay PLt. Col. Resty Soriano, ang taong nag-iwan ng maleta ay posibleng sangkot sa ilegal na droga. Ginamitan daw ito ng camera upang makita kung sino ang kukuha.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon at pagre-review ng CCTV sa mga kalapit na kalsada para matukoy kung sino ang sangkot. Ang mga nasamsam na droga ay isinailalim na sa eksaminasyon ng crime lab.