Ang ina ng apat na taong gulang na si Malia Kates Masongsong ay humihingi ng tulong upang mahanap ang kanyang nawawalang iPhone 11 matapos ang malagim na aksidente sa NAIA Terminal 1 noong Mayo 4. Si Cynthia Masongsong, ang ina ni Malia, ay nagsabi na nawala ang cellphone sa gitna ng trahedya kung saan nasawi ang kanyang anak.
Sa isang post sa Facebook noong Hunyo 10, sinabi ni Cynthia, “Baka po may magandang loob na magbalik ng cellphone ko. Kasabay ng pagkawala ni Malia, hindi na rin po naibalik sa akin ito. Nandoon po lahat ng memories namin ng anak ko.” Ayon sa kanya, hanggang Mayo 5 ay nakita pa ang lokasyon ng phone sa NAIA gamit ang tracker.
Nagbahagi rin si Cynthia ng mga larawan ng kanyang pamilya at anak na nasa cellphone, kabilang ang screenshot ng tracker. Sinubukan na rin nilang magtanong sa NAIA Lost and Found, pero wala raw doon ang gadget.
Ipinaliwanag niya sa comments section na ngayon lang siya nakapag-post tungkol dito dahil sila ng asawa niyang si Danmark Masongsong, isang OFW, ay lubos na nagdadalamhati pa rin. “Ngayon ko lang naisip, ‘yun na lang sana ang babalikan kong alaala,” aniya habang may kasamang umiiyak na emojis.
Sa aksidente sa NAIA Terminal 1, nasawi rin ang 29-anyos na si Dearick Keo Faustino, na breadwinner ng pamilya. Sugatan naman si Cynthia at tatlo pang tao. Ang drayber ng SUV na si Leo Sinlao Gonzales, 47 anyos, ay sinabing napakadyak daw siya ng accelerator sa halip na brake. Nakuhanan ng CCTV ang insidente at walang sagabal sa unahan ng sasakyan. Kinasuhan si Gonzales ng reckless imprudence at nakapagpiyansa ng P100,000.