Ang Nissan ay nagpakita ng bagong 8-bit inspired livery para sa Tokyo E-Prix, na idinisenyo ng Japanese illustrator na si Kentaro Yoshida. Ang disenyo ay hango sa retro arcade style at muling binigyang-buhay ang kilalang Sakura theme ng Nissan. Gamit ang makulay na visuals, ito ay isinabay sa paglabas ng kanilang bagong laro, ang NISMO Electric Racer Tokyo.
Ang game ay isang old-school arcade racing game na likha rin ni Yoshida, at nilaro na ng libu-libong fans kasama ang mga Nissan Formula E drivers na sina Oliver Rowland at Norman Nato. Dahil sa tagumpay ng laro, dinala ito ng Nissan sa real-world racing scene bilang espesyal na design para sa kanilang sasakyan.
Ayon kay Kentaro Yoshida sa isang panayam, nakakatuwang makita ang positibong reaksyon ng mga fans sa laro. Ngunit ang mas pinakanakakatuwa para sa kanya ay ang pagkakataong makita ang sariling disenyo sa mismong Formula E car ng Nissan.
Ang Tokyo E-Prix ay mahalaga para kay Yoshida dahil ito ang home race niya. Aniya, “Ikinararangal ko na napili ako ng Nissan na gumawa ng bagong version ng kanilang Sakura design. Mahalaga sa akin ang karerang ito dahil bahagi ito ng kultura ng Japan.”
Ang limited edition livery ay mapapanood sa karera ngayong Mayo 17–18, kung saan ipinagdiriwang ng Nissan ang creativity ng lokal na talento at pagmamahal ng Japan sa gaming culture.