
Ang isang taxi driver sa NAIA ay nahuli sa video na naningil ng P1,200 para sa maikling biyahe mula Terminal 2 papuntang Terminal 3. Dahil dito, hindi lang ang driver ang posibleng mawalan ng lisensya—kundi pati ang kumpanyang pinagtatrabahuhan niya ay mahaharap sa kaso.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nalaman sa imbestigasyon na ang Taxihub Transport, na pagmamay-ari ni Paige Pauline Bersamina, ay walang bisa ang provisional authority at ilegal na nag-ooperate.
“Makakasuhan kayo kasi pinayagan ninyong pumasada ang taxi kahit wala nang prangkisa,” ani Dizon sa isang press briefing.
Hindi lang ang taxi sa video ang walang prangkisa—buong fleet ng Taxihub Transport ay walang valid na dokumento, ayon kay Dizon. Dahil dito, maglalabas ng show cause order ang LTFRB kay Bersamina at maaaring bawiin ang karapatan ng kumpanya na mag-operate.
Nag-utos din si Dizon ng malawakang crackdown laban sa mga nanlalamang na taxi driver sa NAIA. Nakipag-ugnayan na raw ang LTFRB at LTO sa MIAA at New NAIA Infra Corp para hulihin ang mga pasaway na driver.