Ang 15 na bus ng Florida Transport Inc. ay sinuspinde matapos kumalat ang isang viral video kung saan makikitang anim na bus ng kumpanya ang tila nakikipagkarera sa national highway mula Diadi, Nueva Vizcaya patungong Cordon, Isabela noong madaling araw ng Linggo, June 8.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, simula Hunyo 11, suspendido na ng minimum 30 araw ang mga bus na bumibiyahe sa Santa Ana to Sampaloc at Baguio to Apayao routes. Isa raw sa mga bus ay lumabag sa ruta nito at pumunta sa lugar na wala sa kanyang prangkisa, kaya pati ang linya nito ay naapektuhan.
Bukod dito, ang anim na driver ay sasailalim sa 90 araw na suspension ng lisensya, habang lahat ng bus ng Florida Transport ay kailangang sumailalim sa mandatory drug testing.
Humingi naman ng paumanhin ang kumpanya at sinabing hindi ito tumutugma sa kanilang values. Ngunit, ayon kay Dizon, hindi sapat ang sorry at inatasan niya ang LTFRB na habulin ang maximum penalty para sa kumpanya.
Dagdag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, isasailalim din sa road worthiness test ang lahat ng unit ng kumpanya. Kapag may mga bus na hindi pasado sa safety standards, posibleng madagdagan pa ang mga masususpinde. May hearing ang mga driver sa Hunyo 13, habang ang pulong ng LTFRB at Florida Transport ay sa Hunyo 25.