Ang isang 10-anyos na batang lalaki ay nasawi matapos ang kaniyang pagtutuli sa Tondo, Maynila. Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD), lumabas na ang anesthesia na itinurok sa bata ang posibleng sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon sa resulta ng otopsiya, nagkaroon ng subarachnoid hemorrhage o pagdurugo sa bahagi ng utak ng biktima. Paliwanag ng MPD, may kaugnayan ito sa maling paggamit ng anesthesia habang isinasagawa ang tuli.
May testigong babae na lumapit sa mga awtoridad at nagsabing nakita niya ang aktwal na pagturok ng anesthesia. Nadiskubre rin na ang gumawa ng tuli ay hindi lisensyadong doktor kundi isang midwife na dati nang gumagawa ng mga tuli.
Sa ngayon, hindi pa nahuhuli ang suspek, at mahaharap siya sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, paglabag sa Medical Act of 1959, at Food and Drug Administration Act of 2009.
Patuloy ang imbestigasyon habang hinahanap ang midwife upang panagutin sa insidente.