Ang isang 62-anyos na driver ay hinuli ng mga pulis sa San Jose Del Monte, Bulacan matapos siyang maaktuhang namimigay ng food packs sa mga botante mismo sa araw ng eleksyon noong May 12, 2025.
Ayon sa report ng Police Community Precinct 1, bandang 5:40 PM nang makatanggap sila ng tip mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang sasakyang may pangalan ng kandidato na umiikot malapit sa Tungkong Mangga Elementary School.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng SJDM City Police Station at City Traffic Management Office (CTMO). Pagdating sa lugar, inabutan nila ang driver na namimigay ng food packs sa labas ng school, kaya agad siyang inaresto.
Kinilala ang suspek na taga-Brgy. Mulawin at may ugnayan sa isang kandidatong tumatakbo bilang mayor. Nilabag daw nito ang Omnibus Election Code na bawal ang pamimigay ng pagkain, pera, o regalo na puwedeng maka-impluwensya sa boto.
Sa pahayag ni PBGen Jean S. Fajardo ng PRO 3, sinabi niyang seryoso ang PNP sa pagpatupad ng batas tuwing halalan. Dagdag pa niya, hindi sila magdadalawang-isip magsampa ng kaso sa sinumang lalabag.