
Ang tanging nakaligtas sa banggaan sa SCTEX ay nakalabas na sa ospital pero patuloy pa rin ang kanyang pisikal at emosyonal na sakit. Si Jerry Tuazon, driver ng van na nabangga ng rumaragasang bus, ay umaasa ngayon sa mga gamot at suporta ng pamilya't kaibigan. Aniya, pananampalataya sa Diyos at pagmamahal ng mga tao sa paligid ang nagpapalakas sa kanya.
Ikinuwento ni Tuazon na kasama niya noon ang kanyang asawa, anak, hipag, at mga ka-church, na lahat ay nasawi. Papunta sana sila sa Pangasinan para sa children's camp at balak pa nilang dumiretso sa Baguio pagkatapos. Dumaan pa sila sa gasoline station bago tumuloy sa biyahe—doon na nangyari ang trahedya ilang metro lang ang layo.
Pagkagising niya, nasa ospital na siya. Wala siyang maalala sa mismong banggaan. Nang sabihin sa kanya ng doktor na siya lang ang survivor, nadurog ang puso niya. Aniya, “'Yung mga sakay ko, pinagkatiwala sa akin, tapos wala akong nagawa.”
Pinili ni Tuazon na patawarin ang bus driver, at wala siyang galit sa kanya. Nanawagan din siya sa kumpanya ng bus na ayusin ang sistema nila—gaya ng regular na drug test, fair na oras ng trabaho, at seminars para sa mga driver. Ayon sa kanya, “Tao rin sila, hindi robot.”
Dahil sa SCTEX crash, 10 katao ang nasawi, kasama ang 4 na bata, habang 37 ang nasugatan. Bilang tugon, naglabas ng bagong patakaran ang DOTr para sa mas ligtas na kalsada, kabilang ang mas mahigpit na drug testing, mas maikling oras ng pagmamaneho, at mas mahigpit na roadworthiness check sa mga pampasaherong sasakyan.