
Iniulat na ang Apple Inc. ay naghahanda na para ilunsad ang kauna-unahang Touchscreen MacBook Pro sa huling bahagi ng 2026, isang hakbang na posibleng magbago sa matagal nitong paninindigan laban sa touch-enabled laptops. Ayon sa ulat ni Mark Gurman ng Bloomberg L.P., target ng tech giant ang paglabas ng high-end na modelo na may touch capabilities habang pinapanatili ang klasikong disenyo ng MacBook.
Bagama’t mananatili ang physical keyboard at trackpad sa mga bagong 14-inch at 16-inch na bersyon, magkakaroon umano ito ng isang “dynamic user interface” na kayang mag-adjust depende kung touch o traditional cursor ang gamit ng user. Kapag gumamit ng touch input, maaaring lumabas ang isang context-aware menu na mas madaling pindutin at i-navigate. Ang ganitong innovation ay nagpapakita ng mas flexible at mas intuitive na user experience para sa mga professional at creatives.
Bukod sa software enhancements, inaasahan ding magkakaroon ng malaking upgrade sa hardware. Naka-lineup umano ang paggamit ng OLED display technology para sa mas malinaw at mas vibrant na visuals. May balita rin tungkol sa isang Mac-specific na bersyon ng Dynamic Island, isang feature na unang ipinakilala sa iPhone 14 Pro, na posibleng i-integrate sa mas maliit na hole-punch camera cutout. Gayunpaman, binigyang-diin ng mga source na hindi ito papalit sa iPad, kundi mananatiling isang Mac device na may dagdag na versatility sa input options.




