
Magandang balita para sa mga may-ari ng bagong motorsiklo. Simula Pebrero 15, 2026, ang mga bagong motorsiklo na direktang galing sa showroom ay magkakaroon ng limang taong bisa sa rehistro, ayon sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr). Layunin ng polisiya na gawing mas maginhawa at hassle-free ang pagmamay-ari ng bagong sasakyan sa unang limang taon mula sa petsa ng pagbili.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, layunin ng inaprubahang plano ni PBBM na maiwasan ang mahabang pila sa LTO, mga isyu ng fixers, at iba pang anyo ng corruption. Dagdag pa niya, ang extension ng bisa ng rehistro ay priority para sa convenience ng publiko, habang pinapanatili ang integridad at kaayusan ng mga sasakyan.
Ipinaliwanag ng DOTr na ang limang taong bisa sa rehistro ay para lamang sa brand-new vehicles at motorsiklo. Pagkatapos ng panahong ito, magbabalik sa taunang renewal ang rehistro. Kasama rito ang mandatory roadworthiness inspection sa ika-apat na taon upang masiguro na ang mga sasakyan sa kalsada ay ligtas at nasa maayos na kondisyon.
Dagdag ni Sec. Lopez, “Sa ika-6 na taon, kailangan nang i-renew ang rehistro bawat taon. Habang tumatagal ang sasakyan, nagiging less reliable ito dahil sa depreciation at wear and tear. Kaya mahalaga na magkaroon pa rin ng comprehensive roadworthiness check ang LTO.”
Ang DOTr at LTO ay inaasahang maglalabas ng Department Order at Memorandum Circular na magtatakda ng detalyado tungkol sa 5-year vehicle registration policy, na target ipatupad sa Pebrero 15, 2026. Ito ay hakbang upang gawing mas moderno, maayos, at user-friendly ang sistema ng rehistro ng mga bagong motorsiklo sa bansa.




