
Mula nang opisyal na ilunsad ang Google Wallet sa Pilipinas tatlong buwan na ang nakalipas, unti-unti nang nararamdaman ang convenience ng phone-based payments. Ayon kay Jeff Navarro, Country Head ng Visa Philippines, positibo ang pagtanggap ng mga Pilipino sa Google Pay, lalo na sa mga gumagamit ng Android devices.
Ang ilang promo gaya ng Pickup Coffee cashback promo ay nakatulong upang mas marami ang sumubok ng Google Pay sa araw-araw na transaksyon. Bukod sa Metro Manila, nakapag-transact na rin ang mga gumagamit sa Cebu at Cagayan de Oro, na nagpapakita ng mas malawak na merchant adoption sa bansa.
Bagamat ang listahan ng bangko na kasalukuyang sumusuporta sa Google Pay ay pareho pa rin mula noong paglulunsad nito noong Nobyembre, nakikipag-ugnayan na ang Visa Philippines sa iba pang financial institutions upang mas mapabilis ang adoption ng phone payments sa bansa.
Isa sa mga pangunahing bangko na nangakong susuporta sa Google Pay gamit ang kanilang credit at debit cards ay ang BPI. Ayon kay Navarro, handa silang tulungan ang mga bangko sa pag-adopt, ngunit nasa desisyon ng mga bangko kung kailan sila ganap na mag-aalok ng serbisyo.
Sa patuloy na positibong pagtanggap ng Google Pay, inaasahan na mas marami pang bangko ang sasali sa platform sa susunod na mga buwan. Para sa mga Pilipinong nais mas mabilis at convenient na paraan ng pagbabayad, mukhang mas exciting ang hinaharap ng mobile payments sa bansa.




