
Handa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-blacklist ang hanggang 60 contractors dahil sa malawakang korapsyon sa infrastructure sa bansa.
Noong 2025, tinaguriang pinakamalaking iskandalo sa administrasyon ang pagnanakaw ng bilyon-bilyong piso sa pamamagitan ng kickback scheme na kinasasangkutan ng mga opisyal, mambabatas, at contractor. Ang pondo ng publiko ay umano’y napunta sa mga pekeng flood control projects.
Bilang hakbang upang linisin ang ahensya, inihayag ng DPWH na may 60 contractors na maaaring ipasok sa blacklist. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng hakbang na ito na alisin ang mga tiwali at bigyan ng pagkakataon ang mga tapat na contractor.
Kasabay nito, ang Philippine Contractors Accreditation Board ay nagpro-proseso rin ng blacklisting para sa 16 contractors na sangkot sa iskandalo. May apat na contractor na rin ang nabawi na ang kanilang lisensya.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, tiniyak ng Palasyo na magpapatuloy ang pagpapaunlad ng imprastruktura sa bansa. “Hindi kailangang matakot ang mga contractor dahil babayaran ang lahat ng maayos magtrabaho,” dagdag pa ni Castro.




