
Isang 48-anyos na lalaki ang patay matapos pagtulungang bugbugin at saksakin gamit ang banana cue stick ng isang mag-ama sa Brgy. Kay-buto, Tanay, Rizal noong Linggo, Pebrero 1.
Ayon sa imbestigasyon ng Tanay Municipal Police, nagsimula ang gulo nang tumanggi ang isa sa mga suspek na sundin ang utos ng biktima na ikabit ang kadena ng kanyang motorsiklo noong nakaraang Biyernes. Sinabi ng 28-anyos na suspek na tricycle driver: “Pinapakabit niya po sa akin, hindi ako sumunod. Tinadyakan po ako bigla tapos inambahan ako ng saksak.”
Noong Linggo ng hapon, nagtagpo ang ama at anak na suspek sa Macarulay Street, na humantong sa matinding komprontasyon. Armado ng balisong ang biktima, samantalang may banana cue stick ang ama. Sa gitna ng kaguluhan, rumesponde ang anak at pinagsusuntok din ang biktima. Ayon sa duty investigator na si Mst. Sgt. Danilo Morales Jr., “Doon na nag-init ‘yung father kasi inaaway ‘yung anak niya. Doon na nila pinagtulungan ang biktima.”
Dahil sa malalalim na saksak sa leeg at dibdib, idineklara ang biktima na dead-on-arrival sa ospital. Sugatan din ang mag-amang suspek, na nagtamo ng saksak sa bibig, braso, at balikat. Naaresto ang ama habang nagpapagamot sa ospital, samantalang nadakip ang anak sa isinagawang operasyon sa Pililla, Rizal.
Bagaman iginiit ng mag-ama na aksyon nila ay self-defense, nahaharap pa rin sila sa kasong murder. Kasalukuyang nakakulong ang mag-ama sa custodial facility ng Tanay Police, habang nakaburol ang biktima sa kanilang tahanan. Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.




