
Inihayag ni Education Secretary Sonny Angara noong Martes, Pebrero 3, na rereviewin ng Department of Education (DepEd) ang mga patakaran na nagreresulta sa pag-angat ng estudyante sa mas mataas na grade level kahit mababa ang kanilang performance.
Ayon kay Angara, isa sa mga tinitingnang patakaran ay ang grade transmutation matrix kung saan ang raw scores na 60 ay kino-convert bilang passing grade na 75. Layunin ng pagsusuri na tiyakin na ang mga estudyanteng hindi karapat-dapat ay hindi awtomatikong naipapasa.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng final report ng Second Congressional Commission for Education (EDCOM II) na nagrekomenda na unti-unting i-phase out ang de facto policy ng automatic passing ng mga estudyante, kahit hindi nila natutugunan ang academic standards. Ipinakita ng data na halos 30.5% ng Grade 3 learners lamang ang nakakabasa sa tamang grade level, bumababa sa 19.6% sa Grade 6, at 0.4% sa Grade 12.
Ani Angara, bagama’t walang pormal na mass promotion policy, may mga patakarang hindi sinasadya na nagdudulot nito. Maraming guro na nagtuturo sa mga estudyanteng bumagsak ang nadadala ng human nature na “di babagsak ang bata”, kaya nagkakaroon ng pressure na ipasa ang estudyante kahit hindi pa handa.
Gayunpaman, tiniyak ni Angara na ang mga estudyanteng nahuhuli ay hindi pababayaan. Sa pamamagitan ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act, makakatanggap sila ng libreng tutoring at espesyal na atensyon upang matulungan silang makahabol. Binigyang-diin rin niya na hindi magpapatupad ng malawakang curriculum overhaul dahil magiging magastos at istorbo ito sa sistema ng edukasyon.