
Natagpuang patay sa tabing dagat ng Barangay Fabrica, Lobo, Batangas ang 35-anyos na makeup artist na miyembro ng LGBTQIA+ nitong Lunes ng gabi. Ang biktima, na nakilala bilang Aljohn Abag, ay residente ng Barangay Olo-Olo sa Lobo.
Kinondena ng Flock of the Third Sex (FTS) Lobo Organization Inc. ang marahas na pagpaslang sa kanilang miyembro. Ayon sa grupo, hindi lamang ito pag-atake sa isang tao kundi isang pambubully sa komunidad ng LGBTQIA+.
Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, bandang 10:25 ng gabi nang madiskubre ang katawan ng biktima na nakahandusay sa dalampasigan. Nakitaan ang bangkay ng maraming gasgas sa katawan at isang malaking sugat sa noo, na umano’y dulot ng isang bato.
Hindi pa tukoy ang suspek, subalit pinaniniwalaang maaaring kainuman lamang ng biktima, base sa mga bote ng alak na nakita sa lugar. Nakita rin sa CCTV footage si Aljohn na bumibili ng alak sa isang tindahan sa lugar.
Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya at mga kaibigan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang salarin at mapanagot sa krimen, habang nananatiling malungkot ang komunidad sa pagkawala ng isang mahalagang miyembro.


