
Natupok ang malaking bahagi ng Landers Superstore sa kanto ng Belfast Avenue at Quirino Highway, Barangay Pasong Putik nitong Miyerkules ng madaling araw. Sumiklab ang apoy dakong alas-4 ng umaga at mabilis kumalat, kaya itinaas agad sa ikalimang alarma ang insidente.
Ayon sa residente na si Peter Fuerte, nakatira malapit sa nasunog na establisimyento, nagising siya sa sunod-sunod na pagputok at usok.
“Nung umpisa konti palang usok, maya-maya, ang laki na… Tumakbo ako sa loob pagbagsak ng pader… Asawa ko nanginginig… Sabog nang sabog talaga,” kwento niya.
Ipinaliwanag ni FSInsp. Bernardo Soriano, hepe ng Fire Investigation and Intelligent Section ng Quezon City Fire District, na natupok ang halos 80 porsyento ng one-story building na may basement. “Mabilis kumalat ang apoy dahil halo-halo ang laman ng tindahan—department store at groceries. Gumamit kami ng self-contained breathing apparatus para mapasok ang loob,” dagdag niya.
Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan, subalit bumigay ang ilang pader at nabasag ang mga salamin dahil sa sobrang init ng apoy. Idineklarang under control ang sunog bandang alas-8 ng umaga, habang patuloy ang imbestigasyon ng BFP para matukoy ang sanhi at kabuuang pinsalang iniwan.
Samantala, naglabas ng pahayag ang Landers Superstore sa pansamantalang pagsara ng Fairview branch. Inirekomenda nila na maaaring magtungo ang mga customer sa ibang branches tulad ng Balintawak, UP Town Center, at iba pang kalapit na sangay.
