
Inanunsyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nalalapit na paglulunsad ng eGov AI, isang all-in-one government AI platform na libreng magagamit ng lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng eGov app.
Inilarawan ng DICT ang eGov AI bilang isang intelligent assistant na tutulong sa mga mamamayan sa iba’t ibang government processes, kabilang ang dokument submission, research, at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya. Mayroon din itong multi-language support, translator, at image identification features.
Ayon kay Usec. David Almirol, layunin ng eGov AI na gawing mas simple at episyente ang serbisyo ng pamahalaan. Kapag nag-submit ng dokumento ang isang user sa pamamagitan ng platform, hindi na ito kailangang ulitin sa ibang ahensya, na magpapabilis sa mga transaksyon ng publiko.
Isasama rin sa sistema ang No Contact Apprehension Policy, kung saan awtomatikong makakatanggap ng traffic violation notification ang mga user. Makikita rin umano sa app ang aktwal na video ng paglabag, gaya ng illegal U-turn o iba pang traffic offenses.
Samantala, tiniyak ng National Privacy Commission ang kanilang suporta sa proyekto at binigyang-diin ang kahalagahan ng data privacy protection. Patuloy umano silang magbibigay ng gabay upang masiguro na ang personal na impormasyon ng mga Pilipino ay ligtas sa gitna ng mas malawak na paggamit ng AI sa gobyerno.




