
Apat na taon mula nang itatag, patuloy na pinalalawak ng National Authority for Child Care (NACC) ang saklaw nito upang matulungan ang libo-libong bata na makahanap ng ligtas at legal na tahanan. Layunin ng ahensya na gawing mas episyente ang adoption at alternative child care sa pamamagitan ng mas malapit na ugnayan sa mga local government units (LGUs) sa buong bansa.
Bilang mandatong ahensya, ang NACC ang nagdedeklara kung ang isang bata ay legal na maaaring ipaampon, para man sa domestic administrative adoption o inter-country adoption. Pinamamahalaan din nito ang paglalagay ng mga batang walang magulang o nasa panganib sa angkop na alternatibong pangangalaga, upang maprotektahan ang kanilang kapakanan.
Mula nang mailipat sa NACC ang tungkulin sa domestic adoption tatlong taon na ang nakalipas, umabot na sa 5,685 bata ang natulungan. Sa bilang na ito, 1,655 ang matagumpay na naipaampon sa loob ng bansa, habang 481 ang naiproseso para sa inter-country adoption sa pakikipag-ugnayan sa 17 partner countries. Ayon sa ahensya, libre ang adoption, hindi kailangan ng abogado, at mas mabilis ang proseso—umaabot lamang ng hanggang siyam na buwan kapag kumpleto ang dokumento.
Pinapalakas din ng NACC ang foster care program, kung saan 1,089 bata ang nabigyan ng pansamantalang tahanan. Sa mga pamilyang nag-alaga, 800 ang tumanggap ng buwanang subsidiya na umaabot sa ₱8,000 hanggang ₱10,000, bilang suporta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bata habang inaayos ang kanilang pangmatagalang kinabukasan.
Kasabay nito, mahigpit na binabantayan ng ahensya ang illegal adoption at online baby-selling, na itinuturing na mabigat na krimen. Binibigyang-diin ng NACC na may malinaw at makataong mekanismo ng pagsuko ng bata para sa mga magulang o guardian na hindi na kayang mag-alaga. Sa ganitong paraan, napo-protektahan ang mga bata laban sa trafficking at eksploytasyon, at nasisiguro na ang bawat hakbang ay dumaraan sa tamang proseso at batas.




