
Isang sunog ang sumiklab noong Miyerkules hapon sa Department of Public Works and Highways–Cordillera Administrative Region (DPWH–CAR), partikular sa kanilang Financial Management Records Room, ayon sa mga awtoridad. Ayon kay Baguio City Fire Marshal Mark Anthony Dangatan, dito nagsimula ang insidente. Naiulat ang sunog bandang 5:25 p.m., nakontrol ng 5:36 p.m., at opisyal nang idineklara na fire out sa 5:43 p.m.
Walang naiulat na nasaktan. Ayon sa paunang impormasyon mula sa mga responders, isang utility worker ang nakapansin ng usok mula sa records room at agad na nag-alerto sa security personnel at drivers sa lugar. Sinubukan nilang kontrolin ang apoy gamit ang apat na 10-lb fire extinguishers bago dumating ang mga personnel mula sa Baguio City Fire Station.
Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH Central Office na secured na ang lugar at nakikipag-coordinate sila sa Bureau of Fire Protection (BFP) at sa Local Government of Baguio City para sa agarang imbestigasyon sa sanhi ng sunog. Hindi pa malinaw kung aling mga dokumento ang naapektuhan at kung may backup copies, ngunit siniguro ng ahensya na may karagdagang impormasyon na ibibigay kapag available na.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, may ulat mula sa mga witnesses na may spark mula sa electrical post malapit sa DPWH-CAR bago sumiklab ang sunog. Sinabi rin niya na iniimbestigahan ng BFP Central Office ang ebidensya upang matukoy kung ito ay aksidente o sinadya. Kasalukuyan ding restricted ang access sa DPWH-CAR office para sa authorized personnel lamang.
Kasabay ng imbestigasyon, dumating na rin ang field officers ng DPWH Central Office sa Baguio upang magsagawa ng parallel assessment at matukoy ang eksaktong mga dokumentong naapektuhan. Ayon kay Dangatan, tinatayang isang square meter lamang ang naapektuhan sa loob ng building. Pinayuhan ni Mayor Magalong na maghintay muna sa resulta ng imbestigasyon bago gumawa ng anumang spekulasyon.




