
MANILA, Philippines — Inaprubahan ni President Marcos ang P105.7-bilyong public-private partnership (PPP) scheme upang tugunan ang kakulangan ng 165,000 classrooms sa bansa, ayon kay Education Secretary Sonny Angara. Layunin ng programang ito na pabilisin ang pagtatayo ng classrooms at mapabuti ang pamamahala sa imprastraktura ng paaralan.
Ayon kay Angara, pinayagan ng Economic Development Council, na pinamumunuan ng Pangulo, ang Phase 3 ng Public-Private Partnership for School Infrastructure Project (PSIP). Kasama ito sa mas malawak na reporma para sa mabilis at maayos na konstruksyon ng classrooms. Makikinabang ang halos 800,000 learners bawat taon habang mababawasan ang congestion sa mahigit 1,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ang PSIP 3 ay magtatayo at magmementina ng 16,459 classrooms sa 1,095 schools sa Regions 1, 2, 3, 4-A, 4-B, NCR, at CAR. Nakatuon ito sa congested urban schools, habang may hiwalay na proyekto para sa last-mile schools. Target din ng programa na mapababa ang average class size mula 50 learners sa 39, na makakatulong sa mas ligtas at maayos na learning environment.
Bukod dito, inaasahan ang paglikha ng 57,000 trabaho, at makakatipid ang gobyerno ng P40.15 bilyon. Pinapabilis rin ang mga proyekto sa ilalim ng “green lane” PPP directive ng Pangulo, kasama ang suporta mula sa economic team, PPP Center, at Asian Development Bank. Target simulan ang konstruksyon sa Marso 2027 at matapos sa loob ng 19 buwan, o Marso 2028.
Samantala, pinanatili ng private education stakeholders ang transparency at accountability ng Senior High School (SHS) Voucher Program, na sumusuporta sa 1.24 milyon na learners sa 4,338 private senior high schools. Pinagtibay nila ang kanilang commitment sa tamang paggamit ng pondo publiko, sa kabila ng mga ulat ng COA tungkol sa “ghost students.” Ayon sa kanila, mahalaga ang programa para sa access sa quality senior high school education sa mga eligible learners.