
Isang insidente ng pananaksak ang naganap sa loob ng PNP Anti-Organized Crime Unit sa Quezon City matapos saksakin ng isang pulis ang kanyang kapwa pulis at ka-akusado habang pareho silang nasa restrictive custody. Ang pangyayari ay nagdulot ng matinding alarma sa hanay ng kapulisan dahil naganap ito sa loob mismo ng PNP premises.
Ayon sa paunang ulat, ang suspek at biktima ay kabilang sa anim na tauhan ng CIDG na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y pagkawala ng ebidensiyang pera na nasamsam sa isang POGO raid sa Bataan noong 2024. Naganap ang insidente bandang 7:30 ng umaga habang naghahanda ang mga pulis para sa kanilang nakaiskedyul na preliminary investigation.
Batay sa testimonya ng mga saksi, nasa kusina ng pasilidad ang ilang tauhan nang pumasok ang biktima, kasunod ang suspek na kalaunan ay bumunot ng kutsilyo. Tinangka ng biktima na awat at pigilan ang suspek, subalit nauwi ang komprontasyon sa pananaksak sa likod ng biktima.

