
Bicol — Isang lalaki ang naarestado matapos subukang ipuslit sa Jose Panganiban Municipal Police Station ang droga na nakatago sa burger nitong Biyernes, Enero 9, bandang 5:51 p.m.
Ayon sa ulat, pumunta ang lalaki sa himpilan upang bisitahin ang kanyang live-in partner na isa sa mga Persons Under Police Custody (PUPC) dala ang naturang pagkain. Sa regular na inspeksyon, nadiskubre ng duty jailer ang tissue paper na may dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nalaman na ang burger ay naglalaman ng tinatayang 1.3 gramo ng droga na may halagang P8,840. Ang suspek ay 52 taong gulang, isang gold panner, at nakatira sa Barangay Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.
Ayon sa imbestigador ng Jose Panganiban MPS, naaresto rin nila noon ang live-in partner ng suspek dahil sa umano’y pagbebenta ng droga. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa lalaki.
Maghaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para sa kompletong paglalahad ng pangyayari.




