
Isang dump truck ang bumangga sa dalawang bahay sa Sumulong Highway, Bgy. Mambugan, Antipolo City pasado ala una ng hapon, Linggo, Enero 11, 2026. Ayon sa ulat, posibleng nawalan ng preno ang truck kaya nawalan ng kontrol ang driver.
Ayon kay Roman De Guzman ng Office of Public Safety and Security Motorcycle Unit ng Antipolo City LGU, mabilis umano ang takbo ng truck at hindi na nakontrol ang pagbangga sa residential area. Matapos ang insidente, wala na ang driver at pahinante ng truck sa lugar.
Kwento ni Belen Caspe, residente sa bahay na nabangga, buti na lang daw ay wala sila sa loob ng bahay noong oras ng aksidente. “May birthday ang bunso kong apo kaya pinauwi ko na sila. Nagulat na lang kami sa nangyari sa bahay,” ayon kay Caspe.
Dagdag pa ng residente, habang nagluluto siya ng spaghetti, napansin ng kanyang apo na nasagi ng truck ang kanilang tindahan. Sa kabutihang palad, walang nasaktan o nasawi sa insidente, kahit na wasak ang ari-arian.
Kasalukuyang inimpound ng LGU ang truck at posibleng haharapin ng driver ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property. Ang pangyayari ay paalala sa kahalagahan ng kaligtasan sa kalsada, lalo na sa mga residential areas.

